Pong

i

Sa mga taong lumipas,

Ilang beses ka bang di nasagi sa utak ko?

Wala.

Lagi kitang naiisip.

Bakit?

Dahil sobra akong nanghihinayang na ikaw ay pinakawalan pa.

Alam mo ba na noong meron pang tayo, walang araw na hindi ako masaya?

Na araw-araw kitang nagugustuhan?

Hanggang sa maging araw-araw na kitang minamahal.

ii

Sa mga panahong ikaw ay nakasama,

Kahit parang wala nang bukas kung ako ay tumawa,

Kahit sa sobrang panggigigil ko ikaw ay nasasaktan na,

Kurot dito, kagat doon.

Mga asar kong ayaw na ayaw mo, “Buang ka!” at “Feeler ka!”

Ang sagot mo pari’y, “Mahal kita! Mahal kita!”.

iii

Sa mga taong lumipas,

Ilang lalaki man ang dumaan, sumasagi pa rin sa isip ko

Ikaw at ang sarap ng pagmamahal na ipinadama mo.

Wala ni isa sa kanila ang nakapagpangiti, nakapagpakilig,

At nakapagpadama kung gaano kasarap ang magmahal.

Kahit mali, sa kanila ikaw ay aking hinahanap.

iv

Sa hindi inaasahang panahon, nagkakilala tayo.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, ang muntik nang maging tayo tinapon at sinayang ko.

Kaya naman mula Legarda hanggang Recto,

Hinihiling ko na ikaw ay makabangga.

Hanggang ngayon ako pa rin ay umaasa

Na sana maibabalik pa ang pagkakataong nasayang na.

v

Mukhang hanggang dito nalang ang paglalakbay ko.

Sa kwento nating nagtapos na wala namang simula.

Sa tulang ito tuluyan kang papakawalan na.

Mula sa isip, diwa, at puso ko, paalam.

XOXO

Dito Muna Tayo

Nahihirapan ako isulat ka.

Hindi ko kaya, baka kasi makalimutan agad kita.

Kaya eto ako ngayon, hawak ay lapis at papel.

Nakatunganga sa himpapawid, nagiisip ng linyang mabubuo ngayong gabi.

Hindi ko masimulan ang istorya natin dahil ako ay nahihirapan.

Iniisip kung saan ba ako pwedeng magsimula, kung saang punto nga ba.

Baka kasi kapag natapos ko ito isulat, mawala ka kaagad sa aking sistema.

Kaya ayoko muna dahil masakit pa.

Sa tuwing nagsusulat ako ng tula o kwento,

Alam ko sa sarili ko na kakalimutan ko na yung tao.

Pero ngayon na nagbabakasakali akong magsulat,

Nahihirapan sapagkat ayoko pang tuldukan ang lahat.

Kaya hanggang dito na muna tayo,

Kung saan hindi muna ako gagawa ng kwento.

Lalasapin muna ang saya at sakit na dulot mo.

Dahil kapag winakasan ito, mawawala na pagmamahal ko sayo.

-sr